MANILA, Philippines - Nagkagirian ang grupo ng mga trucker at hanay ng pulisya sa North Harbor sa pag-arangkada ng daytime truck ban sa Maynila, kahapon.
Alas-6:00 ng umaga, ipinarada ng mga driver ang kanilang mga truck sa gilid ng Moriones Gate ng Philippine Port Authority (PPA) bilang protesta sa bagong ordinansa sa lungsod.
Ipinaskil pa ng mga miÂyembro ng Integrated North Harbour Truckers Terminal ang ilang placards sa kanilang mga trak na may nakasulat na: “Ibasura ang daytime truck banâ€.
Dakong alas-6:30 ng umaga nang dumating sa lugar si Manila Mayor Joseph Ejercito Estrada at nakipagdayalogo sa ilang driver. Nang makaalis ang alkalde ay pumuwesto ang mga pulis at mga armadong tauhan ng Special Weapons and Tactics (SWAT) sa lugar upang bantayan ang mga nagpoprotestang driver.
Pero humarang sa kalsada ang mga driver nang tangkaing hatakin ng mga tow truck na ipinadala ng lungsod ang kanilang mga trak.
Bahagyang nagkatensyon nang itulak ng mga awtoridad ang mga driver kahit pa sila’y nasa gilid lamang ng kalsada at hindi nakakaabala.
Pinilit ding dakpin ng mga pulis ang pinuno ng grupo at pinilit pang hatakin ang dalawang trak kasama ang mga driver nito.
Ayon kay Estrada wala namang ipinagkaiba ito sa kanilang ipinatupad na bus ban. Aniya, mas makabubuti kung susunod muna ang mga truckers upang malaman kung ito ay epektibo. IdiÂnagdag pa nito na ginagawa ng city government ang lahat upang mapagbigyan ang bawat sangkot.
Binigyan diin ni Estrada na kailangan na munang unahin ang problema ng trapiko sa lungsod upang mas maging madali ang pagsasagawa ng pagbabago at pag-unlad. Kahapon, pinamunuan ni Estrada, nakasuot ng camouflage uniform, ang mga traffic enforcer ang paghuli sa mga driver na lumalabag sa truck ban.
Ayon naman kay Vice Mayor Isko Moreno, wala namang pakinabang ang city government sa mga truckers kung kaya’t walang dahilan ang mga ito na kumontra sa kanilang ipinatutupad na ordinansa.
Paliwanag ni Moreno, wala namang buwis o anuÂmang pagbabayad na ginagawa ang mga truckers na maaaring makadagdag ng pondo ng lungsod. Hindi rin tama na ang mga truckers ang masusunod samantalang mas marami ang naaapektuhan.
Samantala, nagpapasaklolo na ang mga truck haulers kay Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III para malutas ang truck ban kung saan hiniling ni Mary Zapata, presidente ng Aduana Business Club Incorporated (ABCI) sa Pangulong Aquino na pakialaman na ang pinaiiral na resolusyon ng Manila City government.
Sa pagsasagawa ng truck holiday kahapon, hindi naging masikip ang daloy ng mga sasakyan sa mga lansangan sa Maynila gaya ng Quirino Avenue, United Nations Avenue at bahagi ng Roxas Boulevard.
Nakipagdayalogo rin si Estrada sa mga trucker kasama si Chairman Francis Tolentino ng Metropolitan Manila Development Authority, Atty. Roberto Cabrera ng Department of Transportation and Communications, at iba pa.
Sa kanyang panig, nanindigan naman si Estrada na maaaring sampahan ng kasong economic sabotage ang mga hauler kabilang na rito ang Truckers Integrated North Harbour Truckers Association na nanguna sa kilos protesta sa harap ng main gate ng Philippine Port Authority sa Moriones, Tondo kung saan dalawang driver ang inaresto at pinigil ang kanilang mga truck.