MANILA, Philippines - Timbog ang isang 54-anyos na lalaki matapos na makuhanan ng may 100 gramo ng shabu sa ginawang buy-bust operation ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Parañaque City.
Kinilala ni PDEA Director General Undersecretary Arturo G. Cacdac, Jr. ang suspek na si Geronimo Tibay, Jr., alyas Jun, residente ng Elvinda VillageÂ, San Pedro, Laguna.
Ayon kay Cacdac, nasakote ang suspek ng pinagsanib na tropa ng PDEA Special Enforcement Service (PDEA-SES) sa pangunguna ni DiÂrector Laurefel Gabales; at PDEA Regional Office 1 (PDEA RO1) sa pangunguna ni Director Adrian Alvariño.
Isinagawa ang buy-bust operation sa may kahabaan ng Service Road, south-bound, Sucat Interchange, Parañaque City, ganap na alas 11:00 ng umaga.
Dito ay iniabot ni Tibay ang higit sa 100 gramo ng shabu na nakalagay sa plastic bag sa isang PDEA agent na nagsilbing poseur buyer kapalit ang P1,000 marked money.
Nang magpositibo ang palitan ng items ay saka na dinamba si Tibay nang iba pang operatiba na nagmamasid lamang sa kanilang transaksyon.
Si Tibay ay nasa kustodiya ngayon ng PDEA headÂquarters sa QC at nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs), Article II ng Republic Act 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.