Turistang Aussie hinoldap

MANILA, Philippines - Nadisgrasya na naman ang pangalan ng bansa sa buong mundo matapos maholdap ang turistang babae na kararating lamang sa bansa mula sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), Terminal 2,  Parañaque City kama­kalawa ng gabi.

Kinila ni P/Senior Supt. Ariel Andrade, hepe ng Pa­rañaque City PNP ang biktimang­ si Andrea Mausser­, 33.

Base sa police report, dakong alas-9 ng gabi nang sumakay ng taxi ang biktima mula sa NAIA Terminal 2  mula Australia.

Nagpapahatid sana ang biktima sa Heritage Hotel sa Pasay City subalit idinaan siya ng driver ng taxi sa madilim na lugar at nag-pick-up pa ng isang lalaki.

Pinaikut-ikot pa  ng mga suspek ang taxi habang kinukuha sa biktima ang maleta nito, iPhone 5, pi­taka na may mga IDs at credit cards at cash na umaabot sa P15,000.

Gayon pa man, binaba ang biktima sa bahagi ng C5 Extension sa Multi­national Village, Parañaque City kung saan nakapag­reklamo sa himpilan ng pulisya.

Tumanggi naman ang biktima na magreklamo at nagpahatid na lamang ito sa nasabing hotel.

Sinasabing wala namang ginawang aksyon ang pulisya sa patuloy na nagaganap na holdapan laban sa mga turistang bumibisita sa bansa.

 

Show comments