MANILA, Philippines - Pinigilan ng Korte Suprema ang paniningil sa pangongolekta ng basura ng pamahalaang lokal ng lungsod ng Quezon.
Naglabas ng temporary restraning order (TRO) ang third division ng Korte Suprema ngayong Huwebes upang harangin ang paninigil ng Quezon City ng P100 hanggang P500.
SC(3d D) TRO stops QC Ordinance No. SP-2235 (2013) (imposing Social Housing Tax and Garbage Fee) effective at once until further orders.
— SC PIO (Official) (@SCPh_PIO) February 6, 2014
Nag-ugat ang TRO sa petisyon ni Jose Ferrer Jr. noong Enero 17.
Samantala, ipinatigil din ng mataas na hukuman ang socialized housing tax na sinisingil ng Quezon City sa kanilang mga nasasakupan.
Sinabi ng pamahalaang lokal na nakadepende ang bayad sa pagkolekta ng basura sa lawak ng bawat tirahan o establisyamento.
Sinisingil rin ng Quezon City ng P25 hanggang P200 ang bawat condominium unit at social housing unit.
Iginiit ni Ferrer sa kanyang petisyon na pangunahing trabaho ng lokal na pamahalaan ang mangolekta ng basura kaya naman hindi dapat ito pinapabayaran.
Aniya maaari namang kunin mula sa business tax, property tax, o international revenue allotment ang gagastusin sa pangongolekta ng basura.