Shabu session sa bus terminal, driver timbog

MANILA, Philippines - Huli sa akto ang isang dating bus driver at ilang lalaki sa aktong gumagamit ng shabu sa loob ng isang nakaparadang bus nang mag­sagawa ng sorpresang inspeksyon ang mga tauhan ng Parañaque Police at MMDA sa Southwest Integ­rated Bus Terminal sa naturang lungsod.

Tanging si Marlon Mejos lamang ang nadakip ng mga awtoridad makaraang makatakbo at makatakas ng mga kasamahan nito.

Nabatid na dakong alas-10 ng umaga nang magsagawa ng inspeksyon ang pulisya at MMDA.  Isang bus na nakasarado ang bintana at nakababa ang mga kurtina na ipinagbabawal sa terminal ang kanilang napansin.

Nang akyatin ng mga tauhan ng MMDA, tumambad ang nagaganap na pot session. Nagawa namang makahulagpos ng ibang mga salarin habang nasakote si Mejos. Nakumpiska sa posesyon nito ang anim na pakete ng shabu at mga paraphernalia.

Nahaharap ngayon ang suspek sa kasong paglabag sa Dangerous Drugs Act of 2002 habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng kanyang mga nakatakas na kasamahan.

Show comments