MANILA, Philippines - Patay ang isang medico-legal officer na nakatalaga sa Bureau of Corrections (BuCor) makaraang pagbabarilin ng isa sa riding-in-tandem na salarin, kamakalawa ng hapon sa Muntinlupa City.
Hindi na umabot ng buhay sa Alabang Medical Clinic dahil sa apat na tama ng bala sa likod at katawan ang biktimang si Dr. Juan Villacorta II, isa ring part-time na doctor sa naturang pagamutan at naninirahan sa Camena Spring Ville, Bacoor, Cavite.
Sa ulat ng Muntinlupa Police, nasa harapan ng isang bakery sa may National Road, Brgy. Putatan ang biktima at nurse na si Nayaflor Abe, 41, dakong alas-3:45 ng hapon nang lapitan ng gunman at sunud-sunod na paputukan ng baril.
Mabilis na tumakas ang salarin sakay ng isang motorsiklo na minamaneho ng kasamahan nito tungo sa hindi mabatid na lugar.
Nakuha sa lugar ng krimen ang apat na basyo ng kalibre .45 baril. Blangko pa ang pulisya sa motibo ng naturang pamamaslang.