Pasyente tumalon sa ospital, patay

MANILA, Philippines - Isang pasyente na magpapa-check up sana sa St. Luke’s Medical Center sa lungsod Quezon ang nasawi matapos na tumalon sa hagdanan mula ika-lima at ika-anim na palapag ng nasabing ospital kahapon ng tanghali.

Ayon kay PO2 Lucy Pa­radero ng Quezon City  Police District (QCPD) Station 11 ang biktima ay kinila­lang si Jose Burdeoes, 31, na umano’y magpapakonsulta sa naturang ospital dahil sa umano’y sakit sa pag-iisip.

Sinasabing alas-12:10 ng tanghali nang mag­punta sa ospital, partikular sa medical arts building ang biktima kasama ang kanyang kaanak para magpakonsulta.

Habang naghihintay umano ay pansamantalang iniwan ang biktima ng kanyang kaanak, hanggang sa tumayo ang una patungo sa hagdan at tumalon pa­ibaba.

Sabi ng awtoridad, ang biktima umano ay nagtangka na rin magpakamatay noong nakaraang mga araw sa hindi mabatid na kadahilanan, sanhi para dalhin nila ito sa ospital para ma-eksamin.

Tinangka pa umanong i-revive ng mga doktor ang biktima, subalit nabigo na rin ang mga ito.

Show comments