MANILA, Philippines - Lumalabas sa imbestigasyon na ang ginawang pagputol sa metro ng tubig ang ugat ng pamamaril ng retiradong sundalo na ikinamatay ng tatlong kawani ng water utility service, kamakalawa sa Taguig City.
Nakilala ang mga napatay na sina Tyrol Mortos, Enrique Goco, at Ronald Mabonga na pawang kawani ng Inner Port Water Distributor.
Tugis naman ng pulisya ang suspek na si Diosdado Baltan, retiradong Philippine Army at nakatira sa Palar (Philippine Light Armor Regiment) Village sa Brgy. Pinagsama.
Sa follow-up investigation, tinangkang putulan ng mga biktima ang koneksyon ng tubig ng ilang residente dahil sa hindi pagbabayad ng kanilang water bills.
Kinompronta ng mga galit na residente kabilang si Baltan ang tatlo hanggang sa magkainitan kung saan niratrat naman ni Baltan.
Walong residente naman ang unang dinampot ng pulisya ngunit pinalaya na rin ang anim sa mga ito matapos isailalim sa pagtatanong habang dalawa ang patuloy na iniimbestigahan.