MANILA, Philippines - Arestado ang isang Chinese national makaraang makuhanan ng dalawang kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P10 milyon sa ginawang buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa lungsod Quezon.
Ayon kay Derreck Carreon ng PDEA, nakilala ang suspect na si Weimou Shi, 40, residente ng no. 1212 Harrison Mansion, Malate Manila.
Dinakip ang suspect sa isang buy-bust operation na ginawa ng Special Enforcement Service ng PDEA sa may NIA Road, partikular sa likod ng Eton Centris, ganap na alas 4 ng hapon.
Sinasabing ang droga na may timbang na dalawang kilo ay nakapaloob sa mga tea bags upang hindi mahalata na ito ay iligal na droga. Sakay umano ang suspect ng isang SUV nang makipag-transaksyon sa mga operatiba ng PDEA.
Sa kasalukuyan, patuloy ang pagsisiyasat ng PDEA sa suspect upang mabatid kung anong grupo ang kinaaniban nito.
Nasa pangangalaga na rin ng kagawaran ang mga iligal na droga at ang isang Hyundai accent na may conduction sticker na no. MK 0019.
Naging mainit ang kampanya ng PDEA laban sa iligal na droga kasunod ng pagkakakumpirma sa presensya ng Mexican drug cartel sa bansa.
Dinagdag pa ng PDEA na mas paiigtingin pa nila ang kanilang surveillance at monitoring upang maÂiwasan ang pagpasok ng mga iligal na droga sa bansa.