MANILA, Philippines - Simula sa pagpasok ng susunod na taon, ang anumang basura na makukolekta ng Quezon City government mula sa mga residente ng lungsod ay mayroon nang kaukulang bayad.
Ito ay makaraang aprubahan ng Quezon City council sa ikatlo at huling pagbasa ang isang ordinansa na layuning bayaran ng mga taga-lungsod ang itatapon at kokolektahing basura. Ang naturang ordinansa ay takda namang lagdaan ni QC Mayor Herbert Bautista para sa pagpapatupad dito.
Ang ordinansa na inakda ni QC District 1 Councilor Victor Ferrer Jr. ay nagsasaad na magbabayad ng annual garbage fee na mula P100 hanggang P500 ang mga residente ng QC depende sa dami at bulto ng basura na nakokolekta dito at mas mataas na halaga naman ang sisingilin sa homeowner’s associations at mga may-ari ng matataas na gusali, apartments at condominiums.
Ang homeowner na hindi makakasunod ay pagmumultahin ng 25-percent na mas mataas na babayaran sa makoÂkolektang basura at 2-percent monthly interest hanggang sa ito ay mabayaran.
Umani naman ng negatibong reaksiyon ang naturang ordinansa at nagsasabing ang pagkolekta ng basura sa mga kabahayan ay dapat ilibre ng lokal na pamahalaan dahil bahagi ito ng serbisyo nito.
Sinasabing ang pondo na makokolekta mula dito ay ilalagay sa isang special account para gamitin sa epektibong pagpapatupad sa solid waste at garbage collection sa lunsod Pantulong din umano ang pondo mula dito sa pangaÂngalaga sa basura ng tumataas na populasyon sa lungsod.