GRO kritikal sa saksak ng manliligaw

MANILA, Philippines - Kritikal ang buhay ngayon ng isang babaeng “guest relation officer (GRO)” makaraang saksakin sa dibdib ng manliligaw na tricycle driver, kamakalawa ng gabi sa Pasay City.

Inoobserbahan ngayon sa Pasay City General Hospital ang biktimang nakilalang si Lara Caballes, 28, dalaga, GRO sa John Martin Videoke Club sa may Tramo St., EDSA, ng naturang lungsod. Pinaghahanap naman ngayon ang tumakas na suspect na nakilala lamang sa alyas “Gigi”.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-6:30 ng gabi nang dumating ang suspect sa tapat ng videoke club na galit at pilit na pinalalabas si Caballes. Upang matigil ang pag-eeskandalo, napilitang lumabas ang babae upang kausapin ang suspect ngunit sinalubong agad ang babae ng saksak ng patalim sa kaliwang bahagi ng dibdib.

Mabilis namang tumakas ang suspect matapos ang pananaksak habang sinaklolohan ng mga kasamahan si Caballes at isinugod sa pagamutan.

Sa imbestigasyon, suking kustomer ni Caballes ang suspect na matagal nang nanliligaw sa babae. Maaaring napangakuan umano ng babae ang suspect na may relasyon na sila na sineryoso naman ng huli.

Nang dumating ang suspect sa videoke bar, nakita nito na may ibang ka-table ang babae sanhi upang luma­bas at mag-umpisa nang magwala hanggang sa harapin ng babae at saksakin  ito.

 

Show comments