OFW binoga sa ulo

MANILA, Philippines - Isang Overseas Filipino Worker (OWF) ang nasawi makaraang barilin sa ulo ng hindi nakikilalang salarin habang ang una ay nakaupo sa kanyang sa­sakyan sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ni PO2 Roldan Cornejo, ang biktima na si Cesar Quitasol, 57, at residente ng  Daphne Bldg., Magnolia Place, Brgy. Talipapa, Tandang Sora sa lungsod.

Nangyari ang insidente sa harap ng Flim Hannah Carinderia na matatagpuan sa Military Road, Brgy. Holy Spirit, ganap na alas-12:40 ng madaling-araw.

Ayon sa testigong si Editha­ Rioflorido, papasakay pa lang siya sa sa­sakyan ng biktima na To­yota Innova (ZEE-710) nang marinig niya ang isang putok ng baril.

Nang tingnan ang pi­nanggalingan ng putok, pero ang bumalaga sa kanyang harapan ay ang biktima na duguang nakahandusay sa lupa.

Bago ang insidente, sinundo umano ng biktima at ni Rioflorido ang isang alyas “Bob” sa Puregold Supermarket sa Luzon Avenue­, bago mapunta sa lugar para mag-inuman.

Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa nasabing insidente.

Show comments