Outgoing barangay officials, binalaan ng MBB

MANILA, Philippines - Posibleng maharap sa kasong administratibo ang  mga outgoing barangay officials kung  magmamatigas ang mga ito na bumaba sa puwesto.

Ito naman ang babala ni Manila Barangay Bureau (MBB) Officer in Charge Jesus Payad alinsunod umano sa pagtanggi  ng natalong barangay chairman na si dating  Barangay Chairman Evangeline Cabusay na iturn over ang kontrobersyal na barangay hall ng Barangay 668 Zone 71 District V sa Ermita sa nagwaging Chairwoman na si Erlinda Cons­tantino.

Kamakailan, napuwersang pasukin ng mga pulis, MBB ang barangay hall na nasa Marcelino Street corner Ayala bridge nang i-kandado ito ni Cabusay at tumangging i-turn over ang lahat ng gamit ng barangay kabilang ang barangay patrol motorcycle.

Sa ilalim ng rule of succession dapat mapayapang ibigay ninumang barangay officials ang lahat ng ba­rangay properties kabilang ang barangay hall kung siya ay natalo o tapos na ang termino ng panunungkulan sa barangay.

Nitong Nobyembre 30, sabay-sabay na nanumpa ang mga re-elected at newly barangay officials kay Manila Mayor Joseph Estrada sa Rizal Memorial Stadium.

Ayon kay Payad, simula nang panunungkulan ng mga nagwaging barangay officials kinabukasan ng oathtaking, o unang araw ng Disyembre 1, Linggo, kaya nilabag ni Cabusay ang rule of succession nang ipilit na siya pa rin ang barangay chairwoman ng Brgy. 668.

Bukod dito, natuklasan pa ng MBB na kahit na natalo na ay nakapag-withdraw pa rin si Cabusay ng halagang P76,000 nitong Nobyembre 18 para umano sa kanyang clean and green projects subalit nabuko na ito ay isang “ghost project” lamang.

Dahil dito, kasong estafa, malversation at falsification of public documents, usurpation of authority at iba ang kakaharapin ni Cabusay na umano’y gumagamit din ng mga fictitious name na Vangie Tan, Helen Tan at Helen Sauro sa pakikipag-transaksyon.

 

Show comments