Dalagita sugatan sa ligaw na bala

MANILA, Philippines - Isang dalagita ang malubhang nasugatan makaraang tamaan ng ligaw na bala  nang barilin ng isang lalaki ang kaalitan nitong tricycle driver na kanyang sinakyan sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.

Ang biktima na ngayon ay nakaratay sa ospital ay kinilalang si Rochelle Tabuzo, 17,  kasambahay ng Gahudo Compound, Graceland Subdivision, Gen. T. De Leon, Valenzuela City.

Agad namang nadakip ng awtoridad ang suspek na si Jayson Bitago, 26, binata ng Pingkian 1, Brgy. Pasong Tamo, sa lungsod.

Ayon kay PO3 Jovy Pobre, nangyari ang insidente sa  harap ng Puregold Supermarket, Sangandaan, ganap na alas- 7 ng umaga.

Bago ito, sakay umano si Tabuzo sa tricycle na minamaneho ni Alvin Gamboa at tinatahak ang Sangandaan.

Pagsapit sa harap ng naturang supermarket, nilapitan si Gamboa ng suspek at kinompronta na nauwi sa mainitang pagtatalo.

Sa kainitan ng pagtatalo, biglang nagbunot ng baril ang suspek at pinaputukan si Gamboa, pero nagmintis sa halip ang tinamaan ay ang pasahero niyang si Tabuzo.

Mabilis ding nagtatakbo papalayo si Gamboa at iniwan lamang ang sugatan niyang pasahero. Nang makita naman ng ilang residente ang pangyayari ay agad na tinulungan si Tabuzo na isakay sa tricycle at itakbo sa Quezon City General Hospital kung saan ito nilapatan ng lunas.

Samantala, tiyempo namang napadaan sa lugar si SPO1 Roy Villareal sakay ng kanyang motorsiklo at nakita ang pangyayari dahilan para arestuhin nito ang suspek at iturn-over sa Police Station 3. Narekober sa suspek ang isang kalibre .45 pistola at magazine na may limang bala at isang basyo ng nasabing kalibre.

 

Show comments