Janitor patay sa suntok ng kaaway

MANILA, Philippines - Naging dahilan ng pagkamatay ng isang janitor ang malakas na suntok ng kanyang mortal na kaaway makaraang bumagsak at mabagok ang ulo sa semento, kamakalawa ng hapon sa Pasay City.

Ilang oras na naka-comatose sa Pasay City General Hospital ang biktimang si Edwin Angeles, 32, ng  Brgy. Sun Valley NAIA, Pasay City ngunit tuluyan ring nalagutan ng hininga dahil sa namuong dugo sa utak nito.

Pinaghahanap naman ngayon ang nakatakas na suspek na Antonio Par­tosa, 43, residente rin ng naturang lugar.

Sa ulat ng Pasay Police, unang nakaaway ng biktima ang kapit­bahay na si Modesto Guilino, Jr., 39, dakong alas-2:30 kamakalawa ng hapon.  Natutulog si Angeles nang maalimpu­ngatan matapos na basagin ni Guilino ang electrical sub-meter ng kanilang bahay.

Kinompronta naman ni Angeles si Guilino na nauwi sa kanilang suntukan.  Naawat naman ito ng mga rumespondeng mga barangay tanod at dinala sila sa barangay hall.

Habang inaayos ng mga opisyal ng barangay ang problema, biglang sumulpot ang suspek na si Partosa na mortal na kaaway umano ng biktima at buong lakas na sinuntok ang biktima na bumagsak at nabagok ang ulo sa semento.

Sa kabila naman na napapalibutan ng mga barangay tanod, nagawa pa ring makatakas ng suspek na si Partosa habang sumuko naman sa pulisya si Guilino.

 

Show comments