13 turistang Koreano, na-food poison
MANILA, Philippines - Isinugod sa pagamutan ang 13 turistang Koreano makaraang magreklamo ng matinding pananakit ng sikmura dahil umano sa pagkain na inihain sa kanila ng kanilang hotel o sa pinuntahang restoran, kamakalawa ng gabi sa Pasay City.
Sa ulat ng Pasay City Police, dakong alas-8:45 ng gabi nang magkakasunod na magreklamo ng pananakit ng tiyan, pagsusuka, at pagtatae ang siyam na lalaki at apat na babaeng Koreano na nanunuluyan sa Traders Hotel sa may Vito Cruz St., Pasay City. Agad na isinugod sa San Juan de Dios Hospital ang mga biktima.
Sa imbestigasyon, nabatid na dumating ang mga dayuhan noong nakaraang Martes mula sa Seoul, South Korea nang kuhain ng mga ito ang serbisyo ng Somee Travel Agency na may opisina sa E. Marina Sweet 1588 MH Del Pilar Street, Ermita, Maynila, upang mamasyal sa mga tourist sites sa bansa.
Miyerkules ng gabi nang dalhin ng kanilang tourist guide na si Joung Sujing, 43, at tourist photographer na si Bernard Garcia ang mga dayuhan sa Huey Ying Chinese Restaurant sa Seaside Macapagal Avenue at nagsikain ng mga sea foods matapos na magtungo sa isang golf course sa Cavite.
Huwebes ng umaga nang mag-almusal ang mga biktima sa tinutuluyang hotel at makaraan lamang ang ilang oras ay nagsimula ng tumindi ang pananakit ng kanilang tiyan na sinundan na ng pagtatae at pagsusuka.
Makaraang malapatan ng lunas, lahat ng mga biktima ay lumabas na ng pagamutan kahapon ng alas-3:55 ng madaling-araw at pawang nagpasiya na huwag ng maghain ng reklamo dahil nakatakda na rin silang bumalik sa kanilang bansa ngayong araw.
Ngunit tiniyak naman ni Pasay City police chief Senior Supt. Michel Filart na inirekomenda pa rin niya sa City Health Office ang pagsasagawa ng pagsusuri sa Huey Yung Chinese Restaurant at maging sa Traders Hotel upang matiyak kung tumatalima sila sa mga panuntunan sa ilalim ng PD 856 o Code on Sanitation of the Philippines.
- Latest