MANILA, Philippines - Nakatarak pa ang patalim sa leeg nang matagpuan ang wala nang buhay na negosÂyanteng babae sa loob ng kanyang tindahan sa lungsod Quezon, kahapon ng umaga.
Ayon kay PO2 Jogene Hernandez, imbestigador sa kaso, bukod sa nakatarak na patalim, natakpan pa ng unan ang ulo ng biktima na kinilalang si Rosita Lee, 63, sari-sari store owner ng no. 51-G, Sta Veronica St., Villareal, Brgy. Gulod, Novaliches.
Sabi ni Hernandez, natuklasan ang kalunos-lunos na katawan ni Lee ng kanyang kapitbahay na si Cipriana Serrano na dumalaw sa biktima para alamin ang kalagayan nito.
Naniniwala ang imbestigador na si Lee ay biktima ng pagnanakaw dahil nawawala umano ang gamit na cell phone at camera nito. Inaalam din kung may nakuhang pera ang mga suspek sa biktima.
Nabatid kay Hernandez na mag-isa lamang umano sa kanyang bahay ang biktima habang tinataguyod ang sarili sa pagbabantay sa kanyang tindahan.
Natuklasan ang bangkay ng biktima sa may kuwarto sa ikalawang palapag ng bahay nito sa nasabing lugar, ganap na alas-6 ng umaga.
Ayon kay Serrano, nagtaka umano siya nang makitang nakabukas ang pintuan kung saan makailang ulit siyang kumatok pero walang sumasagot.
Mula dito ay napuna umano ni Serrano na nagkalat ang mga paninda ng biktima, hanggang sa magpasya siyang tignan ito sa ikalawang palapag ng kanyang kuwarto, kung saan nakita niya ang huli na nakahiga at natatakpan ng unan ang ulo.
Lalong nagulat si Serrano nang makita ang patalim na nakatusok pa sa mismong leeg nito. Dahil dito, agad na ipinagbigay alam ni Serrano ang insidente sa barangay na siya namang tumawag ng awtoridad.
Nagsasagawa na ng follow-up investigation ang QCPD sa nasabing insidente.