MANILA, Philippines - Winakasan ng isang 44-anyos na mister na nahaharap sa kasong pagpatay sa sariling misis ang sariling buhay nang tumalon sa itaas ng gusali ng Las Piñas City-Hall of Justice, kahapon ng umaga.
Nakilala ang nasawi na si Siegfred Cabunoc, ng Block 11 Lot 7 Onyx St., Pilar Village, ng naturang lungsod. Nagtamo ang biktima ng pinsala sa buong katawan partikular ang pagkakabagok ng ulo sanhi ng kamatayan nito.
Sa ulat ng Las Piñas City Police, patungo sa ProseÂcutor’s Office si Cabunoc at escort na si PO2 Al Sharrif Uy ng Investigation Division, upang isailalim ito sa inquest proceedings dahil sa kasong parricide kahapon ng umaga. Biglang nagpipiglas ang suspek at itinulak si Uy saka tumalon buhat sa ikatlong palapag ng gusali na sanhi ng kanyang kamatayan.
Sa rekord ng pulisya, unang nadakip si Cabunoc noong Miyerkules ng gabi makaraang ituro ng mga testigo na ito ang pumatay sa misis na si Daisy Cabunoc, 54, noong nakaraang linggo.
Nabatid na natagpuan ang bangkay ni Daisy noong Lunes ng umaga sa isang bakanteng lote sa Brgy. Manuyo I, na tadtad ng tama ng saksak sa katawan. Nakilala lamang ang bangkay nitong nakaraang Miyerkules matapos na kilalanin ng kapatid na si Gladys San Jose sa morge.
Inimbitahan naman ng mga pulis ang mister na si Siegfred para kilalanin ang bangkay at nang nasa presinto ay itinuro ni San Jose na siyang pumatay sa kanyang kapatid. Hindi na nakapalag si Siegfred nang arestuhin ng mga pulis.
Hindi na ito nakatanggi sa krimen nang apat pang testigo ang lumutang at sabihin na huli nilang nakita si Daisy na buhay noong nakaraang linggo habang nagkakaroon ng away ang mag-asawang Cabunoc sa loob ng kanilang bahay.