MANILA, Philippines - Lima ang kumpirmadong patay makaraang magbanggaan ang dalawang pampasaherong bus at maararo ng isa sa mga ito ang mga nag-aabang na mga pasahero sa loading bay sa EDSA-Magallanes sa Makati City kahapon ng umaga.
Sa inisyal na ulat, nakilala ang mga biktima na sina SPO1 Lawrence Navarro, 37, nakatalaga sa Aviation Security Group; Lamberto Singular, Jr.; Jessa Meneses, 25, ng Sucat, PÂarañaque; Osias Mata, Jr., ng Fort Bonifacio; at Fernando Sison, 63.
Bukod dito, aabot pa sa 33 ang nasugatan na isinugod sa ibat’t ibang pagamutan.
Ayon sa Makati City PoliceÂ, naganap ang aksidente dakong alas-6:40 ng umaga sa loading bay sa EDSA-Magallanes southbound lane.
Nabatid na nabundol ng isang Elena Liner bus (TXN 191) sa likuran ang isang MGP Trans bus (NXV 350) at inararo ang mga pasaherong naghihintay sa naturang loading bay.
Kabilang sa sugatan ang tsuper ng Elena Liner bus na si Antonio Dalag.
Ayon sa mga saksi, mabilis umano ang takbo ng Elena Liner bus mula pa sa Ayala Avenue tunnel at diretsong nabangga ang MGP Trans bus na nagsaÂsakay ng pasahero sa loading bay.
Hawak naman ng pulisya ang tsuper ng MGP Trans bus habang kinukumpirma pa ng mga imbestigador ang sinaÂsabing nawalan ng preno ang Elena Liner bus kaya ito sumalpok sa likuran ng isa pang bus.
Lumikha naman ng maÂtinding pagbubuhol sa daloy ng trapiko ang naÂturang aksidente.