Motorsiklo salpok sa AUV: 2 dedo

MANILA, Philippines - Isang lalaki at isang babae na magkaangkas sa motorsiklo ang kap­wa nasawi makaraang sumalpok sa isang  AUV  sa Roxas Blvd., sa Pasay City, kahapon ng ma­daling-araw.

Idineklarang dead-on-arrival sa Pasay City General Hospital ang mga biktimang naki­lalang sina Alfie Paciente Castañeda, 25, ng Tramo St., Brgy. 64 Zone 8, Pasay City  at ang angkas nitong si Rachelle Reyes Antonio, 24, ng Brgy. Talipapa, Novaliches, Quezon City.

Sa ulat ng Pasay City Police-Traffic Unit, na­ganap ang aksidente dakong alas-2:30 ng mada­ling-araw sa north-bound lane ng Roxas Blvd. sa tapat ng Asean Institute of Maritime Studies.

Mabilis umanong bi­nabagtas ng dalawang bik­tima lulan ng isang Honda Super Four 400cc motorcycle (TT-6465) ang Roxas Blvd. nang sumalpok sa likurang bahagi ng Tamaraw AUV (DPY-633) na minama­neho naman ni Ronald Jose Vinalon, ng P. Villa­nueva St., Pasay.

Sa lakas ng pagkakasalpok, humampas ang ulo ni Castañeda sa likuran ng AUV, habang nalaglag naman ang angkas na si Antonio at nakaladkad ng may isang metro. Nawalan naman ng malay ang pasahero ng AUV na si Jonel Alaan makaraang humampas ang ulo sa loob ng sasakyan.

Rumesponde naman ang mga tauhan ng Pasay Rescue Unit at Philippine Red Cross Rescue Team na nag­sugod sa mga ito sa pa­gamutan.

Show comments