3 dawit sa pagpaslang sa pamangkin ng brgy. kagawad, timbog
MANILA, Philippines - Nadakip na ang tatlo sa limang suspect sa umano’y pamamaslang sa pamangkin ng isang kandidatong barangay kagawad sa lungsod Quezon, kamakalawa.
Ayon kay PO2 Julius Balbuena ng Quezon City Police, ang mga suspect ay kinilalang sina James Mendoza, 33; Mark Christopher Lee, 25; at Oscar Ogena Jr., 37; pawang residente sa Brgy. Sto. Domingo. Habang pinaghahanap pa ang dalawa, kabilang ang sinasabing triggerman na si Bayani Tabirao, 42, isang negosyante.
Ang mga nabanggit ay positibong kinilala ng saksi na pumaslang sa biktimang si Bayani Taburao, 42.
Maaalalang si Taburao ay binaril at napatay habang naglalakad papauwi matapos bumoto sa barangay election sa may Florentino St., Brgy. Sto. Domingo, ganap na alas-12:50 ng tanghali. Ang biktima ay pamangkin ng tumatakbong kagawad ng barangay na si Alexander Tabirao.
Ayon sa ina ng nasawi na si Aling Rosalie, bago mangyari ang insidente ay nag-uusap umano sila ng anak nang dumating ang isang kulay gray na Mitsubishi Lancer (PMY-188) na minamaneho ni Mendoza at pumarada sa harap ng isang tindahan sa lugar.
Sabi ni Aling Rosalie, dito ay narinig umano niya si Lee na sinasabihan ang isang lalaki na katagang “yan si Rodel†na patungkol sa kanyang anak.
Matapos ito, habang papatawid umano si Aling Rosalie at biktima sa kalsada pauwi sa kanilang bahay ay bigla umanong sumunod ang triggerman at pinaputukan sa likod ang kanyang anak.
Matapos nito, habang papaalis ang sasakyan ng mga suspect ay pinaharang ito ni Aling Rosalie hanggang sa magpulasan ng takbo sina Mendoza, Lee, at Ogena, kasama ang dalawa pang suspect.
Ang biktima naman ay agad na dinala sa Capitol Medical Center, pero idineklara rin itong patay.
Sa follow-up operation ng Police Station 1 ay nadakip ang nasabing mga suspect saka dinala sa himpilan ng pulisya kung saan inihahanda na ang kasong isasampa sa mga ito. Personal na alitan din umano ang ugat ng nasabing pamamaslang at walang kinalaman sa politika.
- Latest