Rambol sa basketball binata kritikal sa ligaw na bala

MANILA, Philippines - Nasa kritikal na kondisyon ang isang binata nang ta­maan ng ligaw na bala mula sa nag­rarambulang grupo ng kalalakihan dahil lamang sa larong basketball sa isang court sa Caloocan City kamakalawa.

Ginagamot  sa FEU Hospital sanhi ng tama ng bala sa likod ang biktimang  si Patrick Ang, 36, ng Shelter Ville Subd., Bagumbong ng  naturang lungsod.

Sa ulat ng Caloocan City Police, ang insidente ay naganap alas-3:30 ng hapon. Nagsagupa umano ang grupo ng Shelter Ville Phase 10, Bagong Silang sa larong basketball sa isang court na malapit sa bahay ng biktima sa nabanggit na lugar.

Nabatid na umalis ang grupo ng Phase 10, subalit makalipas ang ilang sandali ay nagbalik at isa rito ang walang humpay na nagpaputok ng baril kuing saan nahagip  ang biktima na papasok ng kanilang bahay.

Nagpulasan ang grupo ng Phase 10, habang dinala naman ang biktima sa naturang ospital ng kanyang mga kaanak. Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon sa insidente.

Show comments