MANILA, Philippines - Muli na namang nasangkot sa gusot ang PBA import na si Jamelle Isaac Cornley matapos na ireklamo ng pananakit ng kanyang kinakasama sa lungsod Quezon, ayon sa pulisya kahapon.
Tinangka pa umanong patayin ni Cornley, 26, ang biktima na si Ma. Cheryl Torralba, 25. Nangyari ang umano’y insidente sa condominium unit ng biktima sa Brgy. Kalusugan, Quezon City, ganap na alas-4 ng madaling-araw.
Ayon kay Inspector Edith Castro, hepe ng Women and Children’s Protection Desk ng QCPD, sinabi ng biktima na nasa loob umano siya ng kuwarto nang dumating ang suspect at bigla siyang sinampal ng apat na beses nang walang rason. Hindi naman umano nakainom ng alak o nasa impluwensiya ng droga ang suspect nang maganap ang insidente.
Matapos umano siyang sampalin ay binitbit pa umano siya ng suspect sa kubeta at hinampas sa ulo ng shower sabay banta na papatayin. Hanggang dalhin siya ni Cornley sa terrace na nasa ika-15th level ng gusali. Dito ay tinangka umano siyang itulak ng dayuhan, subalit nagawang makahawak umano ng biktima sa iron grills.
Tinangka pa umano ni Cornley na ibato ang kanilang LED television unit pero nagmakaawa na umano ang biktima dito na iwan siyang mag isa. Pero binalewala umano ito ng cager, sa halip, kinukuha nito ang kanyang cell phone at nang hindi niya ibinigay ay pumunta ito sa kusina saka kumuha ng kutsilyo saka itinutok sa kanyang leeg. Dito na sinabihan ng biktima ang kanilang helper na humingi ng saklolo sa pulisya. Agad namang rumesponde ang QCPD-Station 11 at inaresto ang basketball player.
March nang unang masangkot si Cornley na naglaro sa Rain or Shine team ng Philippine Basketball Association sa gulo sa isang hotel kung saan ito nagwala sa presinto ng police Station 10 at makapanakit ng isang pulis.