2,000 tauhan ikakalat ng MMDA sa Undas

MANILA, Philippines - Nasa 2,000 tauhan umano ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang ikakalat sa mga kalsada sa bisinidad ng mga pangunahing sementeryo sa Kamaynilaan at iba pang kalsada para mamahala sa daloy ng trapiko mula Oktubre 25 hanggang Nob­yembre 4.

Partikular na tinukoy ng MMDA ang Manila North, Manila South, Loyola Me­morial Park sa Maynila at Manila Memorial Park sa Parañaque City na pagtu­tuunan nila ng atensyon dahil sa taun-taong matinding pagbubuhol ng trapiko.

Prayoridad din umano nila na bantayan ang mga bus terminals sa Araneta Center sa Cubao, Quezon City; EDSA-Cubao, EDSA-Pasay Taft; at Sampaloc sa Maynila; EDSA-Balintawak, Dang­wa at Mindanao Avenue.

Magdadagdag din ang MMDA ng tauhan sa Southwest Integrated Provincial Terminal (SWIPT) para naman sa maayos na pagda­ting at pag-uwi ng mga pasahero galing at patungo ng Cavite, Laguna at Batangas.

Bukod sa mga regular na “traffic constables”, iikot din ang mga tauhan ng Traffic Discipline Office (TDO), Anti-Jaywalking Unit at Over Speeding para mamahala sa trapiko.

Nakaalerto rin umano ang Task Force Illegal Terminal, Parking Discipline­ Group, Towing and Impounding Group para naman tanggalin ang mga obstruksyon tulad ng mga iligal na nakapa­radang mga sasakyan sa mga kalsada at bangketa.

Gagamitin ng MMDA ang “Agila 1” at “Agila 2 mobile command centers” na kayang magpadala ng “real-time video­ footages” sa MMDA Com­mand Center­ sa Makati City.  Maglalagay din umano sila ng Public Assistance Centers tents at mga ambu­lansya sa apat na pangunahing sementeryo.

Show comments