Kandidatong chairman: Pinatay o nagpakamatay?

MANILA, Philippines -  Masusing iniimbestigahan ngayon ng  Caloocan City police kung pinatay ba o sadyang nagpakamatay ang  isang barangay kagawad na tatakbong barangay chairman matapos itong  magtamo ng tama ng bala sa sentido mismo sa loob ng kanilang bahay sa naturang lungsod, kahapon ng umaga.

Dead-on-arrival sa Valenzuela General Hospital ang biktimang si Victor Ando,  ng Brgy. 160, Sta. Quiteria, nasabing lungsod.

Lumalabas sa inisyal na report na natanggap ni Caloocan City Police deputy chief at hepe ng Station In­vestigation Branch (SIB) Police Supt. Ferdinand del Rosario, naganap ang insidente alas-7:00 ng umaga sa loob ng bahay ng biktima sa nabanggit na lugar nang makarinig ng putok ng baril ang kaanak nito dahilan upang alamin ng mga ito kung saan nanggaling ang putok.

Laking gulat nila nang makita si Ando na nakahandusay sa loob ng bahay, duguan at may tama ng bala ng baril sa sentido. Sinikap pa itong isugod sa pagamutan subalit hindi na rin umabot pang buhay.

Base sa rekord ng pulisya, bukod sa pagiging ka­gawad na nakatapos ng tatlong termino ay tumatakbong barangay chairman at kasalukuyan presidente rin ng Tricycle Operators and Drivers Association ang biktima sa kanilang lugar.

Hanggang sa ngayon ay tikom ang bibig ng mga kaanak ng biktima sa nasabing insidente kung saan nagsasagawa na ng imbestigasyon ang mga pulis kung pi­na­tay ba ito ng hindi pa kilalang suspek o nagpakamatay.

 

Show comments