MANILA, Philippines - Umaabot sa 30 barangay sa walong lungsod ng Metro Manila ang tinukoy na “areas of concern†kaugnay ng gaganaping barangay elections sa darating na ika-28 ng buwang kasalukuyan.
Sinabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/Chief Supt. Marcelo Garbo Jr., ang pagtukoy na areas of concern sa may 30 barangay ay base sa isinagawa nilang assessment sa sitwasyon ng isasagawang halalan sa mga lugar sa buong Metro Manila.
Binigyang-diin ni Garbo na marapat lamang na mabantayang mabuti ang mga sumusunod na barangay na may mainit na labanan sa pulitikang pambarangay ang mga kandidato upang maiwasan ang karahasan.
Tinukoy ng opisyal na kabilang dito ay ang Brgy. 144 at 97 sa lungsod ng Pasay; Brgys. San Lorenzo, San Antonio, at Carmona sa Makati City; Zapote sa lungsod ng Las Piñas; Brgy. Don Bosco, San Antonio, La Huerta, BF Homes, BaclaranÂ, San Isidro, at San Dionisio sa Parañaque City; Brgy Sucat sa Muntinlupa City.
Sa Taguig City ay ang Brgy. Maharlika na kilalang komunidad ng mga Muslim, South Signal, Central at Brgy. Sta. Ana sa Pateros.
Samantala, sa lungsod ng Maynila, sinabi ni Garbo na maituturing na rin aniyang areas of concern ang mga nasasakupan ng Manila Police District Station 1 sa Brgys. 130 at 131; Brgy. 346 ng Station 3; Brgys. 679, 735 at 740 ng Station 4 sa Sampaloc; Brgy. 190 ng Station 7; Brgy. 638 ng Station 8; Brgy. 727 ng Station 9; Brgy. 836 ng Station 10; at Brgy. 290 ng Station 11.
Inihayag ng opisyal na sa kasalukuyan ay mahigpit ang isinasagawang monitoring ng iba’t ibang himpilan ng pulisya sa Metro Manila sa nabanggit na mga lugar lalo pa at nag-umpisa na ang campaign period kahapon.
Patuloy din ang pinalakas na checkpoint operations at on-the-spot inspections kaugnay ng kampanya kontra loose firearms. (Joy Cantos)