Mister inutas sa bahay, misis biglang naglaho

MANILA, Philippines - Misteryoso pa ang pagkamatay ng isang 43-anyos na lalaki na tinadtad ng bala ang katawan sa loob ng kaniyang bahay at sa huli ay bigla namang naglaho  ang misis nito  na nagsugod sa una sa ospital  sa Port Area, Maynila, kamakalawa ng hapon.

Tanging ang blotter ng City Security Officer na si Ariel Badion, ng Justice Jose Abad Santos General Hospital ang pinagkunan ng detalye ng pagkakakilanlan sa biktimang si Ronald Rebustes, residente ng Block 9, Lot 32, Baseco Compound, Port Area, Maynila na ibinigay umano ng misis na nagpakilalang si Norma Rebustes at hindi na rin matagpuan ng imbestigador.

Sa ulat ni SPO2 Glenzor Vallejo, ng MPD-Homicide Section, ang misis mismo ang lumalabas na nagdala sa pagamutan sa biktima at nagsabi pa na ang biktima ay binaril sa loob ng kanilang bahay alas-4:00 ng hapon kamakalawa at dakong alas 8:15 ng gabi ay idineklarang patay ang biktima subalit hindi na lumutang umano ang misis.

Nang puntahan ng pulisya ang bahay ng biktima para makausap ang misis ay wala umano ito doon at walang nakaaalam kung nasaan ito. Naging palaisipan din sa imbestigador kung bakit hindi man lamang naireport sa kalapit na Bagong Lupa Police Community Precinct ang insidente sa kabila ng pamamaril sa biktima na nagtamo ng 9 na tama ng bala sa katawan.

Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon sa insidente.

Show comments