Squatters magiging PhilHealth members – DOH
MANILA, Philippines - Maaari ng maging miyembro ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang mga informal settlers.
Sinabi ni Dr. Eduardo C. Janairo, regional director ng DOH-National CaÂpital Region, na nag-iikot na sila sa mga tahanan ng mga informal settlers sa Metro Manila kung saan target ng Roving PhilHealth Campaign ang mga tsuper, tindero at tindera, at maging may-ari ng mga tindahan.
Tiniyak ng health official na lahat ng kalye at mga bahay sa Metro Manila ay kanilang pupuntahan upang ipakalat ang kahalagahan ng pagiging PhilHealth member.
Layon ng hakbang na matukoy ang mga miyembro na saklaw ng National Housing Targeting System (NHTS), kung sila ay kabilang sa mga tumatanggap at hindi tumatanggap ng benepisyo sa Conditional Cash Transfer Program (CCT), at kung kanilang nagagamit ang kanilang health cards.
Sinabi rin ni Janairo na magtatayo ng help desk sa mga barangays upang tumulong sa miyembro at hindi miyembro ng PhilHealth.
Ang Roving PhilHealth Campaign na magsisimula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-4:00 ng hapon ay ilulunsad sa 41 barangays sa Metro Manila.
Isang jeepney umano na may nakalagay na sound system ang iikot sa mga barangay at magpapatugtog ng mensahe hinggil sa importansiya ng pagiging miyembro ng PhilHealth.
Sa kasalukuyan ay 261,555 lamang ang miyembro ng PhilHealth. Target na mapaenrol ay 651,469.
- Latest