Sa pagsuway sa utos ng ca NCRPO director Garbo, iko-contempt

MANILA, Philippines - Kakasuhan ng contempt ng pamahalaang lungsod ng Makati si National Capital Regional Police Office (NCRPO) Director, Chief Supt. Marcelo Garbo, Jr. dahil sa pagsuway umano sa inilabas na kautusan ng Court of Appeals­ na ibalik sa hurisdiksyon ng Makati ang mga lupain sa Fort Bonifacio kabilang ang Global City.

“We will bring them to court. The NCRPO is duty bound to enforce the decision of the Court of Appeals. Their refusal to do so can be seen as open defiance of the court,” ayon kay Makati Mayor Jejomar Erwin Binay sa kanilang website.

Ito ay matapos na makarating kay Binay ang mga ulat sa pahayagan na sinasabi ni NCRPO Deputy Director for Administration, Chief Supt. Pat Hernandez na mananatiling nasa kontrol ng Taguig City Police ang Fort Bonificio dahil sa umiiral na “status quo”.

“The decision is clear. The injunction order has been lifted. Makati can now resume exercising jurisdiction. This is something that law enforcers know and there should be no second guessing here,” ayon sa alkalde.

Una namang pinabulaanan ni Makati Police chief, Sr. Supt. Manuel Lukban na nag-isyu ng “status quo order” si Garbo.  Sinabi nito na hindi naman kasama sa pagpupulong si Garbo at ang nangyari ay sinabi ni Hernandez na irerekomenda pa lamang nila ito. Wala pa umanong opisyal o “written order” na inilalalabas ang NCRPO.

Noong Agosto 5, nagpalabas ang Court of Appeals Sixth Division, ng kautusan na ibinibigay sa Makati City ang hurisdiksyon sa higit 729-ektaryang lupain sa Fort Bonifacio.  Inatasan din umano nito ang lungsod ng Taguig na “to immediately cease and desist from exercising jurisdiction within the disputed area and return the same to Makati.”

Sa inilabas na kautusan, sinabi ni Binay na malinaw na natanggal na ang “injunction” na inilabas noon ng korte na humadlang sa pagkuha sa naturang teritoryo ng Makati sa loob ng 20 taon.

Tinangka namang kunan ng panig si Garbo ukol dito, pero hindi nito sinasagot ang tawag ng mga mamamahayag.

 

Show comments