NBI deputy director Arugay, nagbitiw na rin

MANILA, Philippines - Matapos magbitiw sa posisyon si National Bureau of Investigation (NBI) director Nonnatus Rojas at sa patutsada naman ni Justice Secretary Leila de Lima na ang dapat magbitiw ay ang mga  deputy directors, kahapon ay nagbitiw na sa posisyon si NBI deputy director for admi­nistrative service Edmundo Arugay, epektibo Setyembre 14, 2013.

Nalaman na  nasa abroad pa si Arugay  para sa isang misyon.

Una nang tumugon sa panawagan ni De Lima si NBI Deputy Directors for Regional Operation Services Atty. Virgilio Mendez, pero sinabi nito na maghahain  siya ng resignation sa tamang pagkakataon kung wala na talagang tiwala ang pamahalaan sa kanyang kapasidad.

Ginawa ng kalihim ang panawagan kasunod ng pagbibitiw ni Rojas matapos ang naging pahayag ni Pangulong Benigno Aquino III na may mga opisyal ng NBI ang nag-leak ng impormasyon sa kontrobersiyal na negosyanteng si Janet Lim-Napoles.

Kahapon ay ibinunyag ni De Lima na may tatlo hanggang apat na deputy directors sa NBI ang sangkot sa ilegal na aktibidad sa kagawaran.

Gayunman, tumanggi ang Kalihim na pangalanan ang mga naturang deputy directors ng NBI.

Kaugnay nito, sinabi ni De Lima na  posibleng irekomenda niya  kay Pangulong Aquino na alisin sa posisyon ang mga magkakapit-tuko sa pwesto na deputy directors.

Sakaling magmatigas sa pwesto ang tatlo hanggang apat na deputy directors ng NBI na pinagsusumite ng courtesy resignation, po­sibleng lumapit na ang Kalihim kay Pangulong Aquino at  hingin ang kanilang ulo.

Ayon kay De Lima, sa kanyang pagkakaalam, hindi naman maituturing na mga Career Executive Service Officer o CESO ang mga NBI Deputy Director.

Ipinaliwanag naman ni De Lima na layunin ng courtesy resignation na mabigyan ng pagkakataon ang ap­pointing authority na makapagdesisyon kung dapat ba silang manatili sa pwesto.

Maari naman daw ka­sing tanggihan ng appointing authority­ ang courtesy resignation kung sa palagay niya ay karapat-dapat silang manatili sa pwesto.

 

Show comments