Obrero dedo sa suntok ng sekyu

MANILA, Philippines - Patay ang isang construction worker makaraang makatikim umano ng malakas na suntok sa panga buhat sa isang security guard matapos magkahamunan sa suntukan sa lungsod Quezon, ayon sa pulisya kahapon.

Si William Velozo, 27, ay na­sawi matapos pabulagtain sa suntok na tumama sa kanyang kaliwang panga bago humandusay sa hilera ng bato sa kalye, ayon kay PO2 Jogene Hernandez, may hawak ng kaso. Siya ay nakasuntukan ng security guard na si Robet Medel, ng Brgy. Damayang Lagi sa lungsod.

Sa ulat, nangyari ang insi­dente sa kahabaan ng 11th St., ng Brgy. Damayang Lagi ganap na alas-5:45 ng hapon.

Bago ang insidente ka­sama ng biktima ang barangay tanod na si Constancio Salem na nakatayo sa lugar at nagkukwentuhan nang dumating ang suspect na armado ng 12 gauge shotgun at kinompronta ang biktima.

Dito ay sinagot ng biktima ang suspect ng katagang “hindi ako lalaban sayo dahil may baril ka kung gusto mo suntukan nalang tayo.”

Pinagbigyan naman ito ng suspect saka nagpasyang iabot nito ang kanyang baril kay Salem saka biglang inupakan ng suntok sa panga ang biktima.

Sa lakas ng pagkaka upak, agad na bumuwal ang biktima sa may mabatong kalye, at nang makita ito ng suspect ay saka kinuha ang kanyang service firearm kay Salem saka naglakad papalayo patungong bakanteng lote na kanyang binabantayan.

Agad namang itinakbo ng kanyang kapatid ang biktima sa Delgado Hospital pero idineklara rin itong dead-on-arrival.

 

Show comments