Magkaibigan inatado sa loob ng bahay

MANILA, Philippines - Tadtad ng saksak ang dalawang magka­ibigan makaraang ma­tagpuang walang buhay sa loob ng isang taha­nan sa lungsod ng Quezon kahapon ng umaga.

Nakilala ang mga bik­timang sina Susan Palermo, 41 ng #79 N. Zuzuarregi St., Brgy. Old Balara, Quezon City; at Annaliza Mae Eliadora, 29, ng Brgy. Lipit, Cabugao Ilocos Sur.

Ayon sa imbestigador na si SPO4 Cristituto Zaldarriaga, na­tuklasan ang bangkay ng mga biktima sa tinutuluyan ni Palermo pasado alas-6:00 ng umaga.

Sinabi ng saksing si Fe Rabago, na naka­ rinig siya ng malalakas na ingay mula sa kwarto ng biktimang si Palermo bago ang insidente su­balit binalewala na lamang niya ito dahil madalas itong nangyayari.

Gayunman, napuna umano niya ang isang lalaki na nagmamada­ling lumabas sa nasabing lugar.

Makalipas ang nasabing oras, nagpasya si Rabago na tanungin ang iba pa nilang kapitbahay kung ano ang nangyari, pero walang maibigay sa kanyang rason kung kaya nagpasya na siyang puntahan ang kuwarto ni Palermo at tignan ang kalagayan nito.

Pagbukas niya ng pinto, dito na tumambad sa kanya ang duguang katawan ni Eliadora na nakahandusay malapit sa pintuan habang si Palermo naman ay nakadapa at tadtad din ng saksak sa katawan.

Samantala, ayon naman sa mga kaanak ni Palermo, madalas ang pag-aaway nito at ng ka-live in partner  na nakilala sa pangalang si Alex Migoria dahil sa pagiging seloso umano nito.

Tiyempong dumalaw umano kay Palermo ang kaibigang si Eliadora at naabutang nagtatalo na naman sila ni Migoria. Upang mapawi ang gulo ay inaya na lang umano ni Eliadora si Palermo na uminom ng alak sa tinutuluyan nito, hanggang sa matuklasan ang naturang krimen.

Inaalam pa kung may kinalaman ang live-in partner ni Palermo sa naturang insidente.

 

Show comments