MANILA, Philippines - Isang 21-anyos na estudyante ng Adamson University ang napatay ng apat na holdaper na magkaka-angkas sa dalawang motorsiklo nang manlaban ang una sa Ermita, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Nagtamo ng apat na tama ng bala ng baril ang biktimang si Zhezhin Luo, Chinese national, naninirahan sa Unit 902, Avenue of the Art, Sta. Monica St., panulukan ng Roxas Blvd., Ermita, Maynila. Dead on arrival ang biktima sa Philippine General Hospital (PGH).
Mabilis namang nakatakas ang apat na suspect kabilang ang isang babaeng nagmaÂmaneho ng isa sa dalawang motorsiklo maÂtapos ang isinagawang krimen.
Sa ulat ni SPO3 Rodelio Lingcong ng MPD-Homicide Section, dakong alas-3:11 ng madaling- araw nang holdapin at pagbabarilin ang biktima ng lalaking back-rider ng babaeng nagmamaneho ng motorsiklo.
Sa salaysay ng eye witness na si Bambi Molar, 28, ng Ermita, Maynila, nagkataong nakasabay niya ang biktima sa paglalakad sa kahabaan ng Ayala Boulevard at pagsapit sa harap ng Technological University of the Philippines (TUP) ay hinintuan umano ng riding-in-tandem na mga suspect ang naglalakad na biktima.
Ang unang motorsiklo umano na kinalululanan ng dalawang lalaking suspect ang sumigaw ng ‘holdap ito’ at hiningi ang dala-dalang laptop ng biktima subalit sa halip na ibigay, tinadyakan ng biktima ang suspect kaya natumba ang mga ito maging ang biktima sa kalsada.
Mabilis namang sumaklolo ang angkas sa ikalawang motorsiklo, bumaba ang angkas at saka pinaputukan ng ilang ulit ang estudyante. Nang humandusay ay tinangay ng mga suspect ang dala nitong laptop saka tuluyang nagsitakas.
Ani Molar, nagulat siya sa pangyayari kaya sa takot ay nagkubli siya pansamantala at lumabas na lamang nang wala na ang mga suspect para tulungan ang biktima na maisugod sa ospital, kahit hindi niya ito personal na kakilala.
Nabatid na nagtamo ng isang tama ng bala sa kanang dibdib, daÂlawa pa sa ibabang bahagi ng katawan at isa sa binti ang biktima.