Barbero tinarakan ng gunting ng kabaro, dedo

MANILA, Philippines - Sa gunting nabubuhay, sa gunting din namatay ang isang barbero makaraang pagsasaksakin ng kanyang kasamahan sa isang barber shop sa Quezon City, iniulat kahapon.

Kinilala ang nasawi na si Oscar Abesamis, 32, ng Andrew’s Avenue, Maricaban, Pasay City na nagtamo ng 22 saksak sa katawan. Habang ang suspect na ngayon ay nasa kustodiya ng pulisya ay kinilalang si Oliver Olandia, 33, ng Mayon St., Palar Village, Taguig City.

Ayon kay SPO1 Eric Lazo, imbestigador ng kaso, nangyari ang insidente ganap na alas-11:10 ng tanghali sa loob ng Kencyr Barber shop na matatagpuan sa ikatlong palapag ng Farmer’s Plaza, Araneta Center, Cubao.

Ayon sa mga nakasaksing sina Miraflor Juntilla at Ronnie­ Cablayan, bago mangyari ang pananaksak ay mainit na nagtatalo sina Abesamis at Olandia.

Sa kainitan ng pagtatalo ay biglang kumuha ang suspect ng gunting sa kanyang drawer at walang habas na pinagsasaksak ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Matapos ito, agad na tumawag ng security personnel ang mga nakasaksi kung kaya’t hindi na nagawa pang makatakas ng suspect dahil agad itong naaresto.

Dinala ang biktima sa Quirino Memorial Medical Center ngunit hindi na rin ito umabot ng buhay.

Lumalabas sa imbestigasyon ng QCPD Police Station 7 na matagal nang may alitan ang dalawa dahil sa umano’y agawan sa kostumer.

Naungkat muli ang isyung iyon nang magkita ang dalawa at magtalo na siyang dahilan ng pananaksak sa biktima.

Sinampahan na ng pulisya ng kasong murder ang suspect.

Show comments