2 kelot todas sa pamamaril sa QC

MANILA, Philippines - Dalawang lalaki ang pinagbabaril hanggang sa mapatay ng mga hindi pa nakikilalang suspect sa magkahiwalay na lugar sa  Quezon City.

Dead on the spot sanhi ng mga tama ng bala ng baril sa katawan sina Anthony Palma, 54, ng no. 34 Don Carlos St., Don Antonio Heights, Brgy. Holy Spirit at Leopoldo Rigo, 21, ng Erickson St., Doña Nicasia, Brgy. Commonwealth.

Ayon sa pulisya, nangyari ang insidente ganap na alas-5 ng madaling-araw, sa loob ng #21 Don Carlos St., Don Antonio­ Heights, Brgy. Holy Spirit.

Sa pahayag ng saksing si Jacquilyn Cortez, nakarinig na lamang siya ng sunud-sunod na putok at nakita ang biktima na naliligo sa sariling dugo.

Narekober ang 11 pirasong basyo ng bala ng kal. 9mm pistol at isang plastic sachet na naglalaman ng diumano’y shabu.

Samantala, hindi naman naisalba pa ng mga doctor sa East Avenue Medical Center si Rigo.

Lumilitaw na naganap ang insidente dakong alas-8:30 kamakalawa ng gabi sa tapat ng Rubilyn Store na mata­tagpuan sa Samsung St., Doña Nicasia, Brgy. Commonwealth sa nasabing lungsod.

Ayon kay Paquito Dote, masaya silang nagkukwentuhan ni Rigo nang biglang dumating ang armadong suspect at walang habas nitong pinagbabaril ito.

Matapos nito, dali daling tumakbo papatakas ang suspect sa hindi mabatid na direksyon.

Show comments