MANILA, Philippines - Sa takot na muling makulong, isang kalalaya pa lamang na suspect sa robbery ang nagpakamatay sa pamamagitan ng pagbigti sa sarili sa loob ng kanyang bahay sa lungsod Quezon, ayon sa pulisya kahapon.
Kinilala ni PO2 Dennis Llapitan, ang nasawi na si Paul Anthony Macaspac, 27, na nagtatrabaho bilang pintor at naninirahan sa Gitna St., Brgy. Apolonio Samson, Quezon City.
Ayon kay Llapitan, ang biktima ay natagpuang nakabitin sa bakanteng kuwarto ng kanilang bahay ganap na alas-3:45 ng hapon. Itinakbo pa si Paul sa Quezon City General Hospital (QCGH) pero idineklara ring dead-on-arrival.
Gumamit si Llapitan ng electrical cord na ipinalupot sa kanyang leeg saka itinali sa kisame. Inamin naman sa pulisya ng misis nito na si Sharlene na isa umanong drug addict ang mister at dati nang naaresto dahil sa pagnanakaw.
Binanggit pa ni Sharlene sa pulisya na ang asawa ay kalalaya pa lamang sa kulungan kamakailan matapos na magawang maayos niya ang complainants.
Gayunman, nitong Huwebes ng hapon, nagsabi umano si Paul sa kanyang asawa na hindi na niya gustong bumalik sa kulungan. Siniguro pa umano ni Sharlene sa asawa na hindi na mangyayari ang kinakatakutan nito dahil naayos na niya ang lahat.
Pero, sinabihan umano siya ni Paul na alagaan ang kanilang mga anak kung anuman ang mangyari sa kanya. Kasunod nito ay nagpaalam na umano ang biktima sa asawa na lalabas sandali para bumili ng sigarilyo. Nang hindi pa bumabalik ang biktima matapos ang 30 minuto, nagpasya si Sharlene na bumaba at nagulat na lang nang makita ang asawa na nakabitin sa loob ng bakanteng kuwarto.