Kelot timbog sa pagbebenta ng karnap na sasakyan sa internet

MANILA, Philippines - Arestado ang isang lalaki sa ikinasang entrapment ope­ration makaraang magbenta ng karnap na sasakyan sa isang “buy and sell site” sa internet, kamakalawa ng gabi sa Pasay City.

Kinilala ni Chief Inspector Joey Goforth, hepe ng Station Investigation and Detective Management Section ng Pasay City Police ang nadakip na suspect na si Jose Azucena, 34, binata at nakatira sa Interior, Zamora St., Paco, Manila.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-6 kamakalawa ng gabi nang madakip si Azucena sa kanto ng Taft Avenue at Vergel Sts., sa naturang lungsod. Nakumpiska sa kanya ang isang pulang Mazda 323 model 1994 na may plakang (TTV-309). 

Sa imbestigasyon, ang nasabing sasakyan ay pagma­may-ari ng isang Arnel­ Ryan Hasmin Alviar, 34, binata, isang musikero ng Village East, Porche St., Cainta, Rizal.

Sa salaysay ng biktima sa pulisya, kinarnap ang kan­yang sasakyan sa loob ng parking area ng isang hotel sa Roxas Blvd., Pasay City dakong alas-12:00 ng tanghali noong Hunyo 20.

Nabatid na tinangay ang sasakyan ng kanyang dalawang kaibigan na sina John Erick Bulan at Allen Reynold Enriquez na kasama pa niyang nag-check-in sa na­sabing hotel.

Nangako naman sina Bulan­ at Enriquez na isasa­uli ang sasakyan ngunit hindi ti­nupad ng mga ito sanhi upang magsampa ang biktima ng kasong carnapping sa Pasay City Prosecutor’s Office laban sa dalawa.

Natuklasan naman ng bik­tima na naka-post ang kanyang sasakyan sa www.sulit.com na ibinibenta ng isang Jose Azucena sa halagang P70,000.

Agad namang humingi ng tulong sa Pasay Police si Alviar­. Nagpanggap na buyer ang biktima ng sarili nitong kotse at ikinasa ang operas­yon sanhi sa pagkakadakip ni Azucena.

Show comments