2 holdaper bulagta sa shootout

MANILA, Philippines - Dead-on-the-spot ang dalawa sa tatlong holdaper ma­karaang makipagpalitan ng putok sa mga awtoridad ilang minuto matapos nilang holdapin ang isang pampasaherong jeepney sa lungsod Quezon, ayon sa ulat kahapon.

Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) director Chief Supt. Richard Albano, ang pagkakapaslang sa mga suspect ay bunga ng mahigpit na kampanya ng kanilang tanggapan para masugpo ang laganap na krimeng nagaganap sa palibot ng lungsod.

Nasawi ang dalawang holdaper matapos na maka-engkwentro nito ang tropa ni Superintendent Norberto Babagay, hepe ng Tatalon Police Station, na nagsasagawa ng anti-criminality patrol sa lugar.

Sabi ni Babagay, sa ka­salukuyan wala pang pagka­kakilanlan ang mga nasawi na ang isa ay may tattoo na “BCJ (Batang City Jail)” sa kanang pigi, habang ang isa naman ay may tattoo na “Sputnik” sa kanang pigi.

Naganap ang engkuwentro dakong  alas-11 ng gabi sa kahabaan ng BMA St. sa Brgy. Tatalon.

Bago ito, sumakay ang tatlong suspect sa isang jeep  (TWK-499) na minamaneho ni Randy Ricapalaza na bumibiyahe sa Quezon Avenue, patungong Project 8.

Habang tinatahak ang nasabing lugar, biglang nagdeklara ng holdap ang mga suspect at pinagtutukan ng baril ang mga pasahero sabay kuha sa mga gamit na dala ng mga ito.

Tiyempo namang nagsa­sagawa ng anti-criminality patrol ang tropa ni Babagay sakay ng isang mobile car at naispatan ang komosyon sa loob ng jeepney. Nang bumaba ang mga suspect sa jeep sa may pa­nu­lukan ng Banawe Ave., si­nundan ang mga ito ng awtoridad.

Pagsapit sa BMA St. ay tinangkang lapitan ng mga pulis ang mga suspect sabay pakilalang mga awtoridad saka pinakiusapang sumuko. Pero sa halip na sumunod ay binakbakan ng putok ng baril ng mga suspect ang mga awtoridad na nauwi sa engkwentro.

Makalipas ang ilang minutong palitan ng putok, bulagta ang dalawa sa mga suspect, habang nakatakas naman ang isa pang kasamahan ng mga ito.

Dagdag ni Babagay, na­rekober nila sa dalawang suspect ang dalawang kalibre 38 baril at ang mga gamit ng mga biniktima nilang pasahero. Nakatakas naman ang isa sa mga suspect habang nagkakaroon ng palitan ng putok.

Show comments