Saleslady nagbigti

MANILA, Philippines - Isang 21-anyos na sales­lady  ang natagpuang patay matapos na magbigti sa loob ng inuupahang apartment sa Sta. Mesa, Maynila, kamaka­lawa ng gabi dahil umano sa hindi nakayanang problema.

“I give up,” saad ng suicide note ng nasa­wing si Marivic Lumindas,dalaga, namamasukan sa  Market Place, tubong-Butuan City at residente ng Unit 410 Room 1 ng 4016 Homerson Building, Bataan Extension, Bagong Bayan, Bacood Sta. Mesa.

Sa ulat ni SPO1 Richard Escarlan ng Manila Police District-Homicide Section, dakong  alas-9:00 ng gabi nang madiskubre ng kanyang nobyong si Roien Pepe,  30,  tubong Lamian Suralla, South Cotabato, na nakabigti ng electrical cord ang biktima.

Ilang ulit umanong kinatok ni Pepe ang silid ng nobya subalit walang tugon, kaya sa pag-aakalang nakatulog umano ito ay pinuwersa niyang buksan ang pinto kung saan tumambad na nakabitin na bangkay nito.

Humingi siya ng saklolo sa okupante ng katabing kuwarto upang kalagin ang nakatali sa leeg.

Nabatid sa mga kasamahang okupante ng apartment na huling nakitang  buhay   ang biktima alas-11:00 ng umaga.

Sa silid ng biktima ay nakita rin ang isang Manila paper na puno ng larawan ng biktima at ang katagang nakasulat na hindi na niya kayang mabuhay.

Wala pa umanong makuhang impormasyon ang pulisya sa dahilan o problema ng biktima para isagawa ang pagpapatiwakal.

Show comments