Binaril, itinulak palabas ng bus: Chef utas sa holdap

MANILA, Philippines - Utas ang isang chef nang barilin ng uma­no’y holdaper sa loob ng isang pampa­saherong bus sa kahabaan ng EDSA north bound lane, kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ang biktimang si Khristian Serrano, 22, chef ng Ace Waters, ng R. Fer­nando St., Tondo, Manila.

Bago nito, ang biktima ay natagpuan ma­lapit sa People Power Monument at unang inakalang biktima ng hit and run kaya idinulog ito sa tanggapan ng MMDA Rescue sa EDSA corner Ortigas Avenue.

Pero ayon sa pulisya, base sa pahayag ng isang testigo, sakay umano ng   passenger bus (UVG-701) ang biktima nang biglang may mangholdap pagsapit sa kahabaan ng EDSA malapit sa panulukan ng White Plains Avenue ganap na alas-12:15 ng madaling-araw.

Nataranta umano ang biktima at dahil sa nais na hindi maholdap, tinangka nitong tumakas pero binaril ng suspect sa tagiliran, saka itinulak papa­ labas ng bus. Dito na nakita ng isang residente ang biktima at pinagbigay alam sa MMDA Rescue ang nangyari.

Nagawa pang ma­isugod ang biktima sa  East Avenue Medical Center ngunit agad ding binawian ng buhay.

Samantala, tina­tangkang tawagan ni Balbuena ang bus company para maka­usap ang driver at kunduktor upang malaman ang tunay na detalye hinggil sa insidente.

Show comments