Nadamay sa riot: Brgy. tanod patay sa ligaw na bala

MANILA, Philippines - Nasawi habang nilalapatan ng lunas sa pagamutan ang 50-anyos na barangay tanod nang tamaan ng ligaw na bala mula sa magkaaway na grupo habang nakaupo sa harapan ng barangay headquarters sa Tondo, Maynila kamakalawa ng gabi.

Nakilala ang biktima na si Carlito Reyes, tanod ng Brgy. 144,  Zone 12 at residente ng #311 Patria St., Balut Tondo, Maynila, sanhi sa tama ng bala sa ulo.

Wala namang naaresto sa mga sangkot na grupong nagkaputukan sa gitna ng rambulan.

Sa ulat ni SPO3 Glenzor Vallejo ng Manila Police District-Homicide Section, naganap ang insidente dakong alas-9:45 ng gabi sa tapat mismo ng brgy. headquarters sa panulukan ng Rodriguez at Patria Sts., Balut, Tondo.

Paiimbestigahan ang itinuturong sangkot sa gulo na si Gener de Guzman na nagsimula umano ng away sa isa pang grupo, batay sa salaysay ng isang Dominador Firmano na kasama ng biktima na naka-duty. Nang maglabas umano ng baril ang ka­labang grupo ng kabataan, tumakbo si De Guzman sa barangay na hinabol pa rin siya ng putok subalit sinamang-palad na ang biktima ang siyang tinamaan ng bala.

Show comments