MANILA, Philippines - Sasampahan ng kasong usurpation of authority ang isang pulis na nagpanggap at nagpakilalang miyembro ng Commission on Human Rights (CHR) nang magtungo ito sa burol ng napatay na Ozamis group leader na si Ricky Cadavero sa Muntilupa City. Kinilala ang suspect na nadakip na si PO3 Richard Ecleo Ebrada, nakatalaga sa counter-intelligence ng Philippine National Police (PNP).
Ayon kay Rosalinda, kapatid ni Ricky, nagtungo si PO3 Ebrada noong Biyernes ng gabi sa burol sa may Eastern Funeral Parlor, Brgy. Alabang, Muntinlupa City upang makausap ang kanyang ina na si Gng. Luzviminda, ngunit tinanggihan ito dahil wala ng boses.
Sa kabila nito ay hinarap din ni Rosalinda ang pulis, ngunit nagtaka ito dahil mayroon nang taga-CHR sa burol ng kapatid na maaaring magsagawa na makapanayam ang sinuman sa kanilang pamilya kaya’t hiningan nila ng ID ang pulis ngunit walang maipakita.
Sinabi ni Ferdinand Lavin, tagapagsalita ng Task Force Cadavero, kaduda-duda ang pagtungo ni Ebrada sa burol ni Cadavero lalo’t walang maipakitang police ID o anumang pagkakakilanlan nito. Kahina-hinala rin ang ginawa nitong paghingi ng contact number ng pamilya gayong hindi pa siya nagpapakilala. Agad itong naaresto ng National Bureau of Investigation (NBI).
Napag-alaman na inutusan umano si P03 Ebrada na kunin ang mga numero ng kaanak ni Cadavero dahil gusto nilang malaman kung sinu-sinong pulis ang sangkot sa paratang ng pamilya nito.
Samantala, hindi nagbigay ng anumang pahayag sa CHR, NBI at Muntinlupa Police si P03 Ebrada.
Kasunod nito, nangangamba ang pamilya Cadavero sa kanilang buhay, kung kaya’t hiniling nila kay Justice Sec. Leila De Lima na higpitan pa ang kanilang seguridad upang matukoy ang mga opisyal ng PNP na nakikinabang sa Ozamis gang.
Mula sa Muntinlupa City dakong alas-2:00 kahapon ng madaling-araw ay iniuwi na sa General Santos ang labi ni Cadavero pero wala pang petsa ang araw ng libing nito.