Hindi nagbayad ng utang, binoga

MANILA, Philippines - Dahil sa hindi pagbabayad  ng utang, isang binata ang binaril ng pinagkakautangan nito kamakalawa ng gabi sa Malabon City. Nasa kritikal na kondisyon at ginagamot sa  Pagamutang Bayan ng Malabon ang biktimang si Darios Dalmacio, 40, driver, nakatira  sa Jacinto St., Brgy. Concepcion ng naturang  lungsod na nagtamo ng tama ng bala ng baril sa dibdib.

Pinaghahanap naman ang suspect na si Rafael Vidal, 56, aluminum glass contractor, ng  Camus Extension, Brgy.  Ibaba ng naturang lungsod.

Naganap ang insidente  dakong alas-10:48 ng gabi sa Brgy.  Ibaba ng naturang lungsod.

Ayon sa salaysay ng saksing si ‘Takoy’, kausap nito ang biktima nang biglang dumating ang suspect  at agad kinompronta si Dalmacio at sinisingil sa pagkakautang, subalit walang maibayad ang biktima  hanggang sa humantong sa pagtatalo ng dalawa.

Sa gitna ng argumento, agad nagbunot ng baril ang suspect at binaril ang biktima saka mabilis na tumakas ang una.

 

Show comments