Itinulak palabas ng kotse: Kelot binaril, utas

MANILA, Philippines - Isang lalaki ang  binaril matapos na itulak palabas ng kotse ng dalawang hindi pa nakikilalang lalaki na kanyang kasakay kaha­pon ng madaling-araw sa Sampaloc, Maynila.

Inilarawan ang biktima na nasa edad sa pa­gitan ng 30-35, may taas na 5’5 hanggang 5’7, nakasuot ng kulay itim na t-shirt, maong pants at naka-tsinelas. Wala pang pagkilanlan ang mga suspect na sakay ng isang kotseng Sedan na kulay puti.

Sa ulat ni SPO2 Glenzor Vallejo ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-3:40 ng mada­ling-araw nang maganap ang pamamaril sa ha­rapan ng terminal ng Florida Bus sa panulukan ng Sta. Teresita at Legarda Sts., Sampaloc, Maynila.

Sa pahayag ng secu­rity guard ng bus terminal na si Eleuterio Marayag, isang pu­ting kotse ang tumigil subalit hindi niya naplakahan dahil sa pagkabigla nang itulak ang lalaki palabas ng sasakyan at bumaba pa umano ang driver at isa pang lalaki na bumaril sa biktima.

Bumulagta ang biktima na duguan ang ulo at dibdib at mabilis na nagsibalik sa kotse at pinasibad papalayo.

Patuloy pang iimbestigahan ang insidente para matukoy ang pagkilanlan ng mga suspect at motibo sa krimen.

 

Show comments