Kotse durog sa cement mixer, driver todas

MANILA, Philippines - Nasawi ang driver ng isang kotse na nawasak makaraang salpukin ng isang cement mixer truck  kahapon ng ma­daling-araw sa Makati City.

Gumamit pa ng mga espesyal na ka­­gamitan ang mga tauhan ng Makati Rescue­ Team upang mahugot ang ka­tawan ng biktimang si Alberto Sese, 58, ng 61-J Panday Pira St. Bgy West Rembo, buhat sa napitpit na Honda Civic (WRX-481).

Arestado naman ang driver ng cement mixer truck (WAP-481) na si Renato Pepe, 36, ng Noveleta, Cavite na nakatakdang sampahan ng kasong Homicide thru reckless imprudence at damage to property.

Sa imbestigasyon ni SPO1 Rommel Salvador ng Makati Traffic Enforcement Unit, naganap ang insidente dakong alas-2 ng madaling-araw sa kahabaan ng JP Rizal St. sa Bgy. Cembo. 

Pauwi na umano ang biktima lulan ng kanyang kotse nang salpukin ng rumaragasang trak nang magkasalubungan sa isang blind corner malapit sa ilalim ng Guadalupe Bridge.

Patuloy ngayon ang imbestigasyon ng pulisya upang mabatid ang antas ng pagkakasala ni Pepe sa banggaan.

Show comments