FEJODAP official itinumba sa QC

MANILA, Philippines - Patay ang babaeng pa­ngulo ng isang asosasyon ng jeepney makaraang pagbabarilin ng isang lalaki habang ang una ay naghihintay ng masa­sakyan kasama ang kapwa transport leader sa may EDSA lungsod Quezon kama­kalawa.

Kinilala ni SPO1 Cristi­tuto Zaldarriaga, may-hawak ng kaso, ang nasawi ay si Cristina Ventura, 56, pangulo ng Medsam Fe­deration of Jeepney Ope­rators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) at residente sa  Marabagdal St., Brgy. 96, Caloocan City.

Nangyari ang insidente sa may ilalim ng footbridge sa Oliveros EDSA, Brgy. Apolonio Samson, ganap na alas-5:50 ng hapon.

Bago ito, ang biktima, kasama ang pangulo ng isa pang asosasyon na Stommi Fejodap na si Leyte de Guzman, ay naghihintay ng masasakyang jeepney sa lugar papauwi nang biglang sumulpot ang salarin.

Mula sa likuran ng biktima, ay biglang nagbunot ng baril ang suspect na nakasuot ng jacket na itim at pinagbabaril ang una sa katawan.

Matapos maisaka­tuparan ang kanyang pagpatay ay agad na sumibat papalayo ang suspect, habang ang biktima ay isinugod naman ni De Guzman sa Manila Central University Hospital, pero nasawi rin habang ginagamot.

Blangko pa ang pulisya  sa motibo ng pamamaslang sa biktima, pero tinitignan nila ang posibleng may kinalaman sa hinahawakan nitong posisyon sa asosas­yon ang nasabing insidente.

Show comments