MANILA, Philippines - Nagbabala kahapon ang Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) laban sa mga pekeng gamot partikular na ang mga ‘sex enhancing drugs ‘ na naglipa sa ilang mga tiwaling drug stores sa Metro Manila dahil sa panganib na dulot nito sa kalusugan at maaaring maging sanhi rin ng agarang pagkamatay sa sinumang gagamit o iinom nito.
Ginawa ang babala matapos maalarma ang tanggapan ni Supt. Francisco Esguerra, hepe ng PNP-CIDG-Anti-Fraud and Commercial Crimes Division (AFCCD) sa natanggap na impormasyon hinggil sa ilegal na aktibidades ng mga negosyanteng nagbebenta ng mga pekeng gamot partikular na ang sex enhancing drugs.
Nabatid na noon lamang nakalipas na linggo ay nagsagawa ng serye ng raid ang mga operatiba ng PNP-CIDG-AFCCD katuwang ang mga kinatawan ng Food and Drugs Administration sa mga nagbebenta ng pekeng gamot sa mga lungsod ng Parañaque at Pasay.
Sa nasabing operasyon ay nakasamsam ang mga awtoridad ng bultu-bulto na hindi mga rehistradong pekeng gamot at sex enÂhancing drugs na nagkakahalaga ng P 50,000.
Kabilang naman sa sinalakay ay ang Happiness Chinese Drugstore and Excel Chinese Drugstore, Century Chinese Drugstore at Baclaran Chinese Drugstore na pawang nasa Parañaque City at ang Lactao Drugstore sa Pasay City.
Ayon sa opisyal, base sa pag-aaral may masamang epekto sa kalusugan ng nasaÂbing mga pekeng gamot, gaÂyunÂdin ng mga sex enÂhancing drugs na posibleng ikamatay ng gagamit o iinom nito.
Nabatid pa na mabentang-mabenta umano ang mga ‘sex enhancing drugs’ lalo na sa mga kalalakihan.
Sinabi pa ni Esguerra na puspusan ngayon ang crackdown ng PNP-CIDG-AFCCD laban sa mga drugstores na pag-aari ng mga tiwaling negosyante na nagbebenta ng mga pekeng gamot na lubhang delikado sa kalusugan na puwedeng magdulot ng atake sa puso, paninikip ng paghinga at masamang epekto nito sa balat at iba pang mga internal organs.