Kasambahay, patay sa saksak

MANILA, Philippines - Palaisipan ngayon sa mga awtoridad ang pagkamatay ng isang kasambahay na natagpuang tadtad ng tama ng saksak sa buong katawan sa harap ng bahay ng kanyang amo sa lungsod Quezon, kamakalawa.

Sa ulat ni PO2 Romeo Niño, may-hawak ng kaso, ang biktima ay nakilalang si Dolores Estoce, 49, may-asawa at tubong Pangasi­nan, at stay-in sa may 7-A Alley 1, Project 6, sa lungsod.

Ayon kay Niño, si Estoce ay nakita na lamang ng isang Angela Fermil na duguang nakahandusay dahil sa mga tama ng saksak sa harap ng isang bahay sa no. 7-A Alley 1, Project 6, ganap na alas-7:30 ng gabi.

Bago nito, nakita umano ni Fermil ang biktima na parang balisa habang nasa loob ng bahay ng among si Jacklyn Fermil. Ilang minuto ang lumipas, nabatid na lamang ni Angela na ang biktima ay nakitang nakahandusay sa lapag at may mga tama ng saksak sa katawan.

Agad na lumabas ng bahay si Angela at nakum­pirma ang nasabing balita dahilan para ireport niya ito sa kanilang barangay na siya namang tumawag ng mga pulis para mag-imbestiga.

Sa kasalukuyan, blangko pa rin ang mga awtoridad sa motibo ng pamamaslang sa biktima, at kung sino rin ang sinasabing may kagagawan ng krimen.

 

Show comments