Preso sa Manila City jail, nag-noise barrage

MANILA, Philippines - Naghari ang tensyon sa loob ng Manila City jail kahapon makaraang magsagawa ng noise barrage ang  mga  preso dito na humihiling sa pagsibak sa warden at ilang opisyal sa nasabing kulungan.

Ayon naman sa pamunuan ng jail ginawa ng mga preso partikular ng mga miyembro ng Sputnik ang pag-iingay matapos naman ang ginawang paghihigpit ng pamunuan ng piitan at huwag payagang makapasok ang  construction materials na gina­gawang front sa pagpapasok ng illegal na droga.

Ayon kay jailwarden Supt. Lyndon Torres ang grupo ng Sputnik na nagsimula ng  gulo matapos na hindi nila payagang makapasok ang construction material na gagamitin sa pagpapagawa ng  facade ng grupo ng mga preso.

Ayon kay Torres,  ginawa nila ang paghihigpit matapos na sabihin sa kanya ni SJO4 Benjamin Signap bago ito namatay, na gina­gamit ang construction materials sa pagpapasok ng bawal na gamot. Si  Signap­ ay napatay noong Mayo 4 ng riding in tandem.

Sinabi ni Torres na nagtataka lamang siya kung bakit nag-noise barrage ang grupo ng Sputnik kung walang  ilegal sa mga construction­ materials.

Nabatid din ni  Torres na  pinag-iingat din siya ni QC jailwarden Supt. Joseph Vela dahil sa  pagbabanta sa kanyang buhay mula sa isang  preso ng MCJ. 

Pinabulaanan din ni Torres ang isyu ng pananakit at hindi pagpapakain sa mga preso. Aniya, nakarekord ang lahat ng mga oras nang pagpapakain sa mga preso.

Bunsod nito, dinoble  ang paghihigpit sa seguridad sa  MCJ kung saan naka-confine sa iisang lugar ang mga  nagpasimuno ng gulo.

Kaugnay nito, sinabi ni Torres na handa naman siya sa anumang imbes­tigasyon na isasagawa ng Regional Office at handang umalis sa puwesto kung kinakailangan.

 

Show comments