Obrero utas sa saksak

MANILA, Philippines - Patay ang isang construction worker makaraang pagsasaksakin ng isang lalaki matapos ang mainitan nilang komprontasyon sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.

Kinilala ang nasawi na si Glenn Shidana, 47,  ng 19 South East St., Don Enrique Subdivision, Brgy. Nagkaisang Nayon. Natukoy naman ang suspect sa alyas na Dody na mabilis na tumakas makaraan ang krimen.

Nangyari ang insidente sa may loob ng garahe na tinutuluyan ng biktima, ganap na alas-9:30 ng gabi.

Ayon kay Rommel Manligued, nasa loob siya ng kanilang bahay nang makarinig siya ng ingay na nagmumula sa garahe. Nang kanyang silipin ay nakita niya ang biktima at suspect na tila nagtatalo. Ilang minuto ang lumipas ay muling narinig niya ang biktima na humihingi ng saklolo habang nakaluhod sa labas ng garahe at may mga saksak sa katawan.

Sa pagsisiyasat ng mga awtoridad, ang biktima ay nagtamo ng saksak sa kaliwang dibdib, kanang tiyan, at sugat sa kanang braso.

Patuloy namang inaalam ng awtoridad ang tunay na pagkakakilanlan ng suspect at ang motibo ng pamamaslang nito sa biktima.

Show comments